Martes, Mayo 15, 2012

Statement from CONDOR Camarines Norte

PINAKAMATAAS NA PAGPAPUPUGAY KAY KASAMANG JOEL ASCUTIA AT TAOS-PUSONG PAKIKIDALAMHATI SA PAMILYA, ANG IPINAPAABOT NG MGA ORGANISASYON SA PRUBINSYA NG CAMARINES NORTE!

Nagtapos na ang byahe ni Kasamang Joel. Byahe na nagbigay linaw sa mga matang binulag na ng kabulukan ng sistema. Byahe na nagbigay tinig sa alingawngaw na di marinig. Byahe na nagturong umawit sa dilang makailang beses na pinilipit. Subalit nagtapos na nga ba ang byahe ni Ka Joel?

Isang malaking HINDI! Nagkamali ang mga kaaway sa hinuhang madidiskaril ang byaheng may lulan kay Ka Joel.

Si Ka Joel, katulad ng iba pang mga kasama, ay naging boses ng masang anakpawis sa buong rehiyon. Ang kanyang matalas na pagsapol sa mga isyung nakakaapekto sa buhay ng bawat masang api ang kanyang naging sandata sa masikhay at desididong pagkilos. Tuloy-tuloy niyang tinanganan ang gawain sa sektor na ito hanggang sa siya ang nagsilbing tagapagsalita ng CONDOR-PISTON sa buong rehiyon. Walang kapaguran siya sa pagtuligsa sa kaliwa’t kanang pagtaas ng presyo ng langis dulot ng Oil Deregulation Law hanggang sa pagpapanawagan ng pagbasura nito. Partikular sa aming prubinsya, malaki ang naging ambag ni Ka Joel sa pagbubuklod ng sektor ng transportasyon at hindi makakailang may naging binhi ang kanyang mga pinagsumikapan.

Naging mahusay na lider at hindi nagpakahon sa takot dulot ng terorismo ng estado na dahilan ng kaliwa’t kanang pamamaslang sa ilalim ng Oplan Bantay Laya 2 ng nagdaang rehimeng Arroyo. Gayunman, naging target nga si Ka Joel ng OBL2 subalit nabigo siyang mapaslang ng mga kaaway. Daan upang matanaw ang kawastuhan ng mas mataas na porma ng paglaban, ang armadong pakikibaka. Ang byaheng siyang maghahawan sa pagwawakas ng naghaharing sistemang patuloy na nambubusabos at nagsasamantala sa sambayanang Pilipino. Kasama ng mayorya ng aping uri – ang mga magsasaka, mas naging matatag si Ka Joel sa mithiin ng paglaya ng bayan hanggang sa pagkakapantay-pantay ng bawat tao.

Subalit hindi nakaligtas si Ka Joel sa bigwas ng Oplan Bayanihan ng rehimen ni Aquino. Nakakapangngalit ang isang iglap na pagkitil sa buhay ni Ka Joel. Subalit bahagi ito ng sinumpaang tungkuling ialay man ang buhay para sa bayan. Ang berdugong kamay ng reaksyunaryong estado ay pagbabayarin natin sa anupamang paraan.

Bawat isa marahil sa atin ngayon ay tutulo ang mga luha. Hindi ito simbolo ng ating pag-atras at panghihina ng loob kundi pagtitiyak kay Ka Joel at sa maraming biktima ng pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao na tuloy-tuloy tayo sa paghahanap ng tunay na hustisya.

At tayong mga naiwan ni Ka Joel, kasama natin ang sambayanang Pilipino sa byahe na siyang nagpayabong sa buhay ni Ka Joel, na kailanman ay hindi tumitigil o nasisiraan kundi tuloy-tuloy na tumatahak para sa landas ng mapayapa, malaya at walang uring daigdig.

Natatapos na nga dito ang buhay ni Ka Joel pero hindi ang kanyang diwa na pagsilbihan ang mamamayang Pilipino hanggang sa tagumpay. Kaya kami sa aming prubinsya, ay hindi bababa sa byahe. Tiyak na marami pa ang aangkas lalo na at papasok na ang pagkapatas.

 Paalam Ka Joel.. Salamat sa inialay mong buhay.. Padagos sa byahe….

Linggo, Mayo 13, 2012

RCTU-Bicol statement on Ka Joel's death




REVOLUTIONARY COUNCIL OF TRADE UNION BICOL

  

Mayo 13, 2012 


PAGPUPUGAY KAY KASAMANG JOEL: BAYANING TSUPER AT MARTIR NG URING MANGGAGAWA

Ang buong kasapian ng RCTU-Bicol  ay nakikiramay sa pamilya, kaibigan at sa lahat ng naulila ni kasamang Joel Ascutia. Bilang rebolusyunaryong samahan ng mga manggagawa ibinibigay din ng RCTU-Bicol ang pinakamataas na pagpupugay sa kanya sapagkat siya’y  isang tunay na proletaryong nag-alay ng kanyang buhay sa paglilingkod sa uri lalo na sa hanay ng sektor transportasyon, maralitang lungsod at inaaping mamamayan sa rehiyon. Sa kabila ng samu’t saring kahirapan, kahinaan at mga sakripisyo umabot din sa higit dalawang  dekada si ka Joel bilang isang rebolusyunaryo bago kitilin ang kanyang buhay ng  mga pasistang militar sa ilalim ng rehimeng US-Aquino III.

Si ka Joel ay inspirasyon ng bawat rebolusyunaryong manggagawa dahil lagi itong panig at handang kumikilos para sa kapakanan ng mga inaapi’t pinagsasamantalahan. Sa ganitong mahusay na katangian at aktitud ng kasama, hindi nakakapagtakang kung ilang ulit nang  binantaan ang kanyang buhay ng mga ahente ng AFP na tuta ng mga mapagsamantalang uri noong siya’y aktibo at  kumikilos pa sa ligal at hayag na kilusang masa. Ang kalagayang ito ang nagtulak kay kasamang Joel na kumilos sa kanayunan noong huling bahagi ng 2011.

Hindi naging mahirap para ki ka Joel na mamulat at tanggapin ang teorya at praktika ng demokratikong rebolusyong bayan sa bansa dahil lumaki ito bilang maralitang taga-lungsod, naging manggagawa, estudyante at sa kalauna’y naging tsuper  hanggang sa pumaloob sa hayag na samahang masa. Naranasan niya ang mahirap at aping buhay bilang ordinaryong mamamayan. Subalit lubos niya itong naunawaan ng sumapi siya sa RCTU hanggang sa maging tunay na proletaryo. Si ka Joel ay isang mahusay na organisador, instruktor at propagandista. Nang kumilos siya ng buong panahon sa hayag na kilusang masa, hindi malilimutan ng mga kasama na laging kompleto ito sa gamit pag-aaral kaya’t saan mang parada o komunidad ay nakakapagbigay o nakakapamuno ito ng mga talakayan hanggang sa makapagbuo ng mga samahan. Dahil sa kanyang kahusayan nakilala si ka Joel sa buong rehiyon bilang tunay na lider ng sektor transportasyon at kasama ang iba pa pinangunahan nila ang mga ilinunsad na welga ng tranportasyon  sa nagdaang dalawang dekada sa rehiyon at nahalal din bilang kasapi ng Pambansang Komiteng Tagapagpaganap ng PISTON.  Halos ito na ang naging gawain niya hanggang siya’y magkapamilya. May mga naging kahinaan din sa ka Joel pero hinarap at iwinasto niya ang mga ito.  Tinahak niya ang wastong landas bilang isang rebolusyunaryo at tunay na proletaryado.

Ang pagpanaw ni ka Joel ay hindi nangangahulugan ng pagkawala niya at ng mga mabubuting mithiin niya para sa sambayanan.  Kailan man ang mga alaala niya ay hindi mabubura sa kasaysayan at sa isipan ng bawat manggagawa at mamamayang bikolano.  Ang paglisan ng kanyang katawan  ay magsisilbing tanglaw sa bawat rebolusyunaryo  upang ipagpatuloy ang mga gawain para sa tunay na kalayaan, katarungan at demokrasya ng ating bayan.


MABUHAY ANG URING MANGGAGAWA!
KASAMANG JOEL, MARTIR AT BAYANING TSUPER!
ISULONG ANG DEMOKRATIKONG REBLUSYON NG BAYAN!


Ka VLADIMIR  de CASTRO
Tagapagsalita 

TAUS-PUSO AT TAAS-KAMAONG PAGPUPUGAY KAY KASAMANG JOEL ASCUTIA.



BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN-BICOL
664 G/F Encarnacion Bldg., Brgy. 17 Rizal St., Legazpi City

TAUS-PUSO AT TAAS-KAMAONG PAGPUPUGAY
KAY KASAMANG JOEL ASCUTIA.


Itinulak ng taus-pusong pagmamahal sa masa at sa makabayang hangaring lumaya ang Sambayang Pilipino mula sa makauring pagsasamatala at pang-aapi ng imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo, walang pagsasaalang-alang sa sarili na inialay ni kasamang Joel Ascutia ang kanyang buhay.

Itinalaga niya ang kanyang sarili sa paglilingkod sa sambayanan at inilaan angbuhay sa pakikibaka para sa pambasang demokrasya at kalayaan. Naging mahusay na organisador at matapang na lider aktibista sa sektor ng transportasyon. Nahalal bilang pangulo ng CONDOR-PISTON-BICOL sa taong 2005-2011.  Matapat, mahusay at masigasig na pinamunuan niya ang organisasyon sa transportasyon sa matatagumpay na pakikibakang masa.

Nagingbiktima siya ng mabangis  at madugong Oplan Bantay Laya I & II. Tinangka ng mga ahente ng reaksyunaryong Gobyerno na siya ay nyutralisahin sa pamamagitan ng mga malisyoso at gawa-gawang mga paratang upang sirain ang kanyang kredibilidad sa masa.  Dumanas din siya ng harassment at pananakot. Noong Hulyo 13, 2009 habang pinapangasiwaan niya ang regional transport strike sa pakikiisa sa koordinadong isinasagawang nationwide transport strike noon ay patraydor siyang binaril subalit na bigong siya ay patayin.

Mulat at tanggap ni kasamang Joel ang katotohanan na ang kahirapan, sakripsiyo at kamatayan ay di maiiwasang bagay sa pakikibaka para sa pambansang demokrasya at kalayaan.  Kailan man ay di natinag ang kanyang prinsipyo at paninindigan sa kabila ng mga pagtatangkang siya ay nyutralisahin at patahimikin.  At dahil pinanday ng pakikibakang masa ang sarili, hindi siya bumitaw. Bagkus ay higit pa siyang nagpunyagi.

Marahil upang lubusang ialay ang sarili para sa paglaya ng Sambayanang Pilipino mula sa makauring pagsasamatala at pang-aapi ng mga naghaharing uri, mapagpasyang pinili niya ang pinakamataas na porma ng pakikibaka – ang armadong pakikibaka.  Mulat sa katotohanang sa pag-alay ng buhay ay di maiiwasan ang kamatayan.   Si kasamang Joel ay isa lamang sa dumaraming martir ng bayan na biktima ng mapanlinlang at marahas na Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino.

Katulad ng libo-libong mga martir ng bayan na nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan, ang kamatayan ni kasamang Joel ay kayamayan na kasing bigat ng Bulkang Mayon. Marapat lamang na ibigay natin sa kanya ang pinakamataas na pagpupugay na laan sa mga martir ng bayan.

Mainit na pagpupugay sa lahat ng martir ng bayan!
Mabuhay ang Sambayang Pilipino
Isulong ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya at kalayaan!

Sabado, Mayo 12, 2012

CPP-Bicol Tribute to Comrade Joel Ascutia


PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS
Rehiyong Bikol


MAPULANG PAGSALUDO KAY KASAMANG JOEL ASCUTIA
Militanteng Transport 
Lider-Organisador,
Mahusay na Komunista

IGINAGAWAD ng Partido Komunista ng Pilipinas sa rehiyong Bikol ang pinakamataas na parangal para kay Kasamang Joel Ascutia, na nakilala bilang Ka Billy sa kilusang lihim sa kalunsuran, o bilang Ka Pepe para sa mga pulang mandirigma ng BHB at ng masang magsasaka sa kanayunan.

Si Kasamang Joel ay isa sa mahuhusay na lider na nagmula sa hanay ng karaniwang tsuper, at pinanday sa kanyang dalawang dekadang aktibismo sa hanay ng militanteng kilusan sa sektor ng transportasyon sa Bikol.

Ipinanganak siya noong Setyember 27, 1966 sa Daraga, Albay. Nagmula siya sa uring manggagawa, nakagisnan na ni Joel ang hikahos na pamumuhay sa syudad.

Nagtrabaho siya bilang manggagawa sa  Universal Robina Corporation, naging myembro siya ng unyon noong 1982. Doon na nagsimula ang kanyang pagkamulat sa kilusang manggagawa, sa pinagsasamantalahan nilang kalagayang mababa ang sahod, kulang sa benepisyo at kawalan-ng-seguridad sa empleyo sa harap ng malawakang tanggalan at kontraktwalisasyon.

Noong 1990, naging tricycle driver siya sa Legazpi City at naging lider siya ng pinaka-militanteng tricycle organization ditto, at naging Secretary General ng CONDOR noong 1992. Nang maugnayan siya ng mga organisador sa transportasyon noong 1990, aktibo siyang nakalahok sa mga talakayan at pag-aaral sa kalagayan ng lipunan, na lalo pang nagpatalas sa kanyang paninindigang pampulitika. Mula noon, masigasig siyang nagmulat, nag-organisa at nagpakilos ng mga kapwa niya tsuper hanggang sa buung-buo niyang ibinuhos ang kanyang oras, lakas at talino para sa paglilingkod sa sambayanan.

Isa siyang prinsipyadong lider-organisador at pinakamasipag na aktibista sa sektor ng transportasyon. Mula pa noong 1994, buong panahon siyang kumilos at naorganisa sa sektor ng transportasyon at sa hanay ng mga maralitang taga-lunsod. 

Nang mahalal siya bilang Secretary General ng CONDOR-PISTON Bicol noong 1995, pinangunahan niya ang matatagumpay na transport strike at mga pagkilos ng mga drayber at maliliit na operators sa rehiyon. Maramihang napalahok sa mga pagkilos ang mga karaniwang tsuper at mamamayan. Naisanib sa mga pambansang pagkilos at welga ng mga tsuper ang mga lokal na isyu sa sektor. Sa harap ng papatinding krisis at kahirapan sa kabuhayan ibinandera ang mga pagkilos sa lansangan laban  sa overpricing sa langis, Oil Deregulation Law at pagbasura ng VAT sa langis.

Dalawang dekada siyang tuluy-tuloy na naglingkod bilang matapat,  masigasig, masipag at mahusay na lider-organisador, at nakapag-ambag nang malaki sa pagsulong at pagpapatatag ng organisadong sektor ng transportasyon sa buong rehiyon. Puspusan siyang nakibaka, simple sa pamumuhay, at iwinaksi ang pagkamakasarili para mailaan ang sarili para sa rebolusyon.

Subok at pinatatag siya ng pakikibaka. Kaya hindi siya natinag nang gipitin siya ng pasistang estado. Binaril siya ng death squad ng 9th ID sa kasagsagan ng isang nationwide transport strike  noong Hulyo 13, 2009. Tinangka siyang patayin noon para patahimikin, ngunit matapos magpagaling ng kanyang sugat, nagpatuloy siya sa pagkilos. At nakaranas pa ng mga panggigipit, panghaharas at pagbabanta mula sa mga intel operatives ng 9th ID.

Ang pandarahas ng estado ang lalong nagpaalab sa mapanlabang diwa ni Ka Joel. Tinahak niya ang landas ng armadong paglaban, bilang pangunahing anyo ng pakikibaka sa pagsusulong demokratikong rebolusyong bayan, na siyang  tanging solusyon sa krisis at pasismo na nararanasan ng mamamayan. Sumapi siya sa Bagong Hukbong Bayan at niyakap ang armadong pakikibaka.

Pinararangalan natin si Ka Joel bilang bayani ng rebolusyon na nag-ambag ng kanyang buhay, lakas, talino at kakayahan para sa pagsusulong na matagalang digmang bayan.

Si Kasamang Joel Ascutia ay isang magiting na lider-manggagawa at matatag na rebolusyonaryo.

Tularan si Kasamang Joel Ascutia, humawak ng armas!
Ipagwagi ang digmang bayan!



PKP-Bikol
Mayo 12, 2012

Biyernes, Mayo 11, 2012

PANAWAGAN

Sa lahat na mga kaibigan, kasama, at mga kasapi ng CONDOR sa buong Bicol, inaanyayahan na dumalo sa huling gabi Mayo 13, 2012 para magbigay pugay kay kasamang Joel Ascutia. Gaganapin ang parangal sa kanilang bahay sa Purok 2, Brgy. Pawa, Legazpi City. Kinabukasan Mayo 14, alas-8 ng umaga ihahatid sya sa kanyang huling hantungan.


Ang mga drayber at operator na kasapi at alyado ng CONDOR at nakakakilala kay Joel Ascutia ay maglagay ng black at red ribbon sa kanilang mga sasakyan. Magkakaroon po tayo ng sama-samang magbusina sa oras na: alas-9 ng umaga; alas-12 ng tanghali, alas-3 ng hapon at alas-6 ng gabi sa Mismong araw ng kanyang libing, Mayo 14, 2012.


Higit na pinapahalagahan ng pamilya at CONDOR ang inyong presensya para ihatid ang labi ni Joel Ascutia. Kita-kita po tayo!

Anuman ang inyong maiaambag ay pinapasalamatan ng pamilya at ng buong organisasyon.

Pagpupugay kay Kasamang Joel Ascutia!: Drayber-Obrero, Bayani ng Sambayanan!








Pagpupugay kay Kasamang Joel Ascutia!: Drayber-Obrero, Bayani ng Sambayanan!

Pinakamataas na pagpupugay at pagkilala ang iginagawad ng pamunuan, buong kasapian ng CONDOR-PISTON Bicol at lahat ng drayber at maliliit operator sa rehiyon para kay Kasamang Joel Ascutia: Drayber-Obrero, Bayani ng Sambayanan!

Ipinanganak noong September 27, 1966 sa Daraga, Albay at lumaki sa Antipolo City kung saan nanirahan ang kanyang buong pamilya. Panganay sa 7 magkakapatid mula sa mga magulang na mala-manggagawa at hikahos sa buhay. Dahil laki sa hirap, likas na malapit ang kanyang puso sa mga hinaing at adhikain ng mahihirap.

1980’s sa napakabatang gulang ay pumasok na ito bilang manggagawa ng Unibersal Robina Corporations. Dito siya namulat sa isyu ng mga manggagawa at kalaunan ay naging myembro ng unyon ng Robina. 1989 lumipat sa Bikol at naging tricycle driver sa Legaspi City at nahalal bilang Secretary General noong 1991 ng association ng mga tricycle drivers at maliliit na operator sa Legaspi. 1994, dahil sa nakikitang kahalagahan ng pag-oorganisa sa sector ng transportasyon ay nagpasya siyang kumilos bilang full-time organizer. Nang magkongreso ang CONDOR-PISTON Bicol noong Nobyembre 1995 ay nahalal siya bilang Secretary General,  sa ika-5 Kongreso nito noong April 2005 ay nanungkulan siya bilang Panrehiyunal na Pangulo at 2008 sa ika-3 Kongreso ng PISTON-National siya ang hinalal bilang Deputy Secretary General.

Sa buong panahon ng kanyang pamumuno at pagtataguyod ng CONDOR-PISTON Bicol, buong sigasig nitong itinaguyod ang mga prinsipyo ng organisasyon para sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagkikilos sa bandila ng tunay, militante at makabayang pederasyon ng mga drayber at maliliit na operator. Sa panahon ng kanyang panunungkulan, naging malakas at masigla ang paglaban ng mga bikolano sa Oil Dergulation Law, mataas na presyo ng langis, pagpapabasura ng 12% VAT at  overpricing. Welgang transportasyon ang tugon ng buong sector kasama ang mga mamamayan. Matagumpay din na nalabanan ang pag-implementa ng Common Carrier Tax noong 2007 at ang DOTC Department Order 38 at 39 na nagtatakda ng mataas na singil sa mga violations.

Subalit ang militante at progresibong paninindigan ni Joel ay tinangkang  kitlin ng mga ahente ng gobyernong Arroyo sa ilalim ng marahas na pagpapatupad ng Oplan Bantay Laya II. Noong July 13, 2009, 4:30 ng umaga habang nagse-set-up para sa isasagawang Pambansang Welgang Transportasyon binaril siya ng 2 lalaking nakabonet at sakay ng motorsiklo sa tapat ng Petron Daraga na malapit din sa police outpost.

Kasabay ng pagpapagaling ay hinihintay din nya ang magiging resulta ng imbistigasyon ng pulisya subalit hanggang sa ngayon ay walang naparuhasang kriminal. Nagdulot ito ng pangamba para sa kaligtasan nya at kanyang pamilya. At noong August 2011 ay nagsumite ito ng pormal na resignation letter sa Regional Executive Council ng CONDOR-Bicol at sa PISTON-National.

Ang pagkakapaslang kay Kasamang Joel ng mga sundalo sa engkwetro na nangyari sa Donsol, Sorsogon noong Mayo 8 ng umaga kasama ang iba pang myembro ng Bagong Hukbong Bayan ay nagdulot sa amin ng pagkabigla gayunpaman lubos naming kinilala at nirerespeto ang naging sariling pagpapasya ng kasama.

Taas kamaong nagpupugay ang CONDOR sa mahigit 2 dekadang walang pag-iimbot na paglilingkod ni Kasamang Joel para sa sector ng transportasyon. Lubos din kaming nagpapasalamat sa mga anak, asawa at pamilya ni Ka Joel dahil sa pagbibigay nila sa amin ng isang lider na mapagpakumbaba, maalalahanin at masigasig. Ang kanyang pagkamatay ay inspirasyon namin para sa marami pang pakikibaka at paglaban sa mga ganid na multinasyunal sa langis at inutil na gobyerno.

Eduardo Ferreras
Pangulo-CONDOR