Pagpupugay kay Kasamang Joel Ascutia!: Drayber-Obrero, Bayani ng Sambayanan!
Pinakamataas na pagpupugay at pagkilala ang
iginagawad ng pamunuan, buong kasapian ng CONDOR-PISTON Bicol at lahat ng drayber
at maliliit operator sa rehiyon para kay Kasamang Joel Ascutia: Drayber-Obrero,
Bayani ng Sambayanan!
Ipinanganak noong September 27, 1966 sa
Daraga, Albay at lumaki sa Antipolo City kung saan nanirahan ang kanyang buong
pamilya. Panganay sa 7 magkakapatid mula sa mga magulang na mala-manggagawa at
hikahos sa buhay. Dahil laki sa hirap, likas na malapit ang kanyang puso sa mga
hinaing at adhikain ng mahihirap.

Sa buong panahon ng kanyang pamumuno at
pagtataguyod ng CONDOR-PISTON Bicol, buong sigasig nitong itinaguyod ang mga
prinsipyo ng organisasyon para sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagkikilos sa bandila
ng tunay, militante at makabayang pederasyon ng mga drayber at maliliit na
operator. Sa panahon ng kanyang panunungkulan, naging malakas at masigla ang
paglaban ng mga bikolano sa Oil Dergulation Law, mataas na presyo ng langis,
pagpapabasura ng 12% VAT at overpricing.
Welgang transportasyon ang tugon ng buong sector kasama ang mga mamamayan.
Matagumpay din na nalabanan ang pag-implementa ng Common Carrier Tax noong 2007
at ang DOTC Department Order 38 at 39 na nagtatakda ng mataas na singil sa mga
violations.
Subalit ang militante at progresibong
paninindigan ni Joel ay tinangkang
kitlin ng mga ahente ng gobyernong Arroyo sa ilalim ng marahas na pagpapatupad
ng Oplan Bantay Laya II. Noong July 13, 2009, 4:30 ng umaga habang nagse-set-up
para sa isasagawang Pambansang Welgang Transportasyon binaril siya ng 2 lalaking
nakabonet at sakay ng motorsiklo sa tapat ng Petron Daraga na malapit din sa
police outpost.
Kasabay ng pagpapagaling ay hinihintay din
nya ang magiging resulta ng imbistigasyon ng pulisya subalit hanggang sa ngayon
ay walang naparuhasang kriminal. Nagdulot ito ng pangamba para sa kaligtasan
nya at kanyang pamilya. At noong August 2011 ay nagsumite ito ng pormal na
resignation letter sa Regional Executive Council ng CONDOR-Bicol at sa
PISTON-National.
Ang pagkakapaslang kay Kasamang Joel ng mga
sundalo sa engkwetro na nangyari sa Donsol, Sorsogon noong Mayo 8 ng umaga
kasama ang iba pang myembro ng Bagong Hukbong Bayan ay nagdulot sa amin ng
pagkabigla gayunpaman lubos naming kinilala at nirerespeto ang naging sariling
pagpapasya ng kasama.
Taas kamaong nagpupugay ang CONDOR sa
mahigit 2 dekadang walang pag-iimbot na paglilingkod ni Kasamang Joel para sa
sector ng transportasyon. Lubos din kaming nagpapasalamat sa mga anak, asawa at
pamilya ni Ka Joel dahil sa pagbibigay nila sa amin ng isang lider na
mapagpakumbaba, maalalahanin at masigasig. Ang kanyang pagkamatay ay
inspirasyon namin para sa marami pang pakikibaka at paglaban sa mga ganid na
multinasyunal sa langis at inutil na gobyerno.
Eduardo Ferreras
Pangulo-CONDOR
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento