PINAKAMATAAS NA PAGPAPUPUGAY KAY KASAMANG JOEL ASCUTIA AT TAOS-PUSONG PAKIKIDALAMHATI SA PAMILYA, ANG IPINAPAABOT NG MGA ORGANISASYON SA PRUBINSYA NG CAMARINES NORTE!
Nagtapos na ang byahe ni Kasamang Joel. Byahe na nagbigay linaw sa mga matang binulag na ng kabulukan ng sistema. Byahe na nagbigay tinig sa alingawngaw na di marinig. Byahe na nagturong umawit sa dilang makailang beses na pinilipit. Subalit nagtapos na nga ba ang byahe ni Ka Joel?
Isang malaking HINDI! Nagkamali ang mga kaaway sa hinuhang madidiskaril ang byaheng may lulan kay Ka Joel.
Si Ka Joel, katulad ng iba pang mga kasama, ay naging boses ng masang anakpawis sa buong rehiyon. Ang kanyang matalas na pagsapol sa mga isyung nakakaapekto sa buhay ng bawat masang api ang kanyang naging sandata sa masikhay at desididong pagkilos. Tuloy-tuloy niyang tinanganan ang gawain sa sektor na ito hanggang sa siya ang nagsilbing tagapagsalita ng CONDOR-PISTON sa buong rehiyon. Walang kapaguran siya sa pagtuligsa sa kaliwa’t kanang pagtaas ng presyo ng langis dulot ng Oil Deregulation Law hanggang sa pagpapanawagan ng pagbasura nito. Partikular sa aming prubinsya, malaki ang naging ambag ni Ka Joel sa pagbubuklod ng sektor ng transportasyon at hindi makakailang may naging binhi ang kanyang mga pinagsumikapan.
Naging mahusay na lider at hindi nagpakahon sa takot dulot ng terorismo ng estado na dahilan ng kaliwa’t kanang pamamaslang sa ilalim ng Oplan Bantay Laya 2 ng nagdaang rehimeng Arroyo. Gayunman, naging target nga si Ka Joel ng OBL2 subalit nabigo siyang mapaslang ng mga kaaway. Daan upang matanaw ang kawastuhan ng mas mataas na porma ng paglaban, ang armadong pakikibaka. Ang byaheng siyang maghahawan sa pagwawakas ng naghaharing sistemang patuloy na nambubusabos at nagsasamantala sa sambayanang Pilipino. Kasama ng mayorya ng aping uri – ang mga magsasaka, mas naging matatag si Ka Joel sa mithiin ng paglaya ng bayan hanggang sa pagkakapantay-pantay ng bawat tao.
Subalit hindi nakaligtas si Ka Joel sa bigwas ng Oplan Bayanihan ng rehimen ni Aquino. Nakakapangngalit ang isang iglap na pagkitil sa buhay ni Ka Joel. Subalit bahagi ito ng sinumpaang tungkuling ialay man ang buhay para sa bayan. Ang berdugong kamay ng reaksyunaryong estado ay pagbabayarin natin sa anupamang paraan.
Bawat isa marahil sa atin ngayon ay tutulo ang mga luha. Hindi ito simbolo ng ating pag-atras at panghihina ng loob kundi pagtitiyak kay Ka Joel at sa maraming biktima ng pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao na tuloy-tuloy tayo sa paghahanap ng tunay na hustisya.
At tayong mga naiwan ni Ka Joel, kasama natin ang sambayanang Pilipino sa byahe na siyang nagpayabong sa buhay ni Ka Joel, na kailanman ay hindi tumitigil o nasisiraan kundi tuloy-tuloy na tumatahak para sa landas ng mapayapa, malaya at walang uring daigdig.
Natatapos na nga dito ang buhay ni Ka Joel pero hindi ang kanyang diwa na pagsilbihan ang mamamayang Pilipino hanggang sa tagumpay. Kaya kami sa aming prubinsya, ay hindi bababa sa byahe. Tiyak na marami pa ang aangkas lalo na at papasok na ang pagkapatas.
Paalam Ka Joel.. Salamat sa inialay mong buhay.. Padagos sa byahe….
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento