Linggo, Mayo 13, 2012

RCTU-Bicol statement on Ka Joel's death




REVOLUTIONARY COUNCIL OF TRADE UNION BICOL

  

Mayo 13, 2012 


PAGPUPUGAY KAY KASAMANG JOEL: BAYANING TSUPER AT MARTIR NG URING MANGGAGAWA

Ang buong kasapian ng RCTU-Bicol  ay nakikiramay sa pamilya, kaibigan at sa lahat ng naulila ni kasamang Joel Ascutia. Bilang rebolusyunaryong samahan ng mga manggagawa ibinibigay din ng RCTU-Bicol ang pinakamataas na pagpupugay sa kanya sapagkat siya’y  isang tunay na proletaryong nag-alay ng kanyang buhay sa paglilingkod sa uri lalo na sa hanay ng sektor transportasyon, maralitang lungsod at inaaping mamamayan sa rehiyon. Sa kabila ng samu’t saring kahirapan, kahinaan at mga sakripisyo umabot din sa higit dalawang  dekada si ka Joel bilang isang rebolusyunaryo bago kitilin ang kanyang buhay ng  mga pasistang militar sa ilalim ng rehimeng US-Aquino III.

Si ka Joel ay inspirasyon ng bawat rebolusyunaryong manggagawa dahil lagi itong panig at handang kumikilos para sa kapakanan ng mga inaapi’t pinagsasamantalahan. Sa ganitong mahusay na katangian at aktitud ng kasama, hindi nakakapagtakang kung ilang ulit nang  binantaan ang kanyang buhay ng mga ahente ng AFP na tuta ng mga mapagsamantalang uri noong siya’y aktibo at  kumikilos pa sa ligal at hayag na kilusang masa. Ang kalagayang ito ang nagtulak kay kasamang Joel na kumilos sa kanayunan noong huling bahagi ng 2011.

Hindi naging mahirap para ki ka Joel na mamulat at tanggapin ang teorya at praktika ng demokratikong rebolusyong bayan sa bansa dahil lumaki ito bilang maralitang taga-lungsod, naging manggagawa, estudyante at sa kalauna’y naging tsuper  hanggang sa pumaloob sa hayag na samahang masa. Naranasan niya ang mahirap at aping buhay bilang ordinaryong mamamayan. Subalit lubos niya itong naunawaan ng sumapi siya sa RCTU hanggang sa maging tunay na proletaryo. Si ka Joel ay isang mahusay na organisador, instruktor at propagandista. Nang kumilos siya ng buong panahon sa hayag na kilusang masa, hindi malilimutan ng mga kasama na laging kompleto ito sa gamit pag-aaral kaya’t saan mang parada o komunidad ay nakakapagbigay o nakakapamuno ito ng mga talakayan hanggang sa makapagbuo ng mga samahan. Dahil sa kanyang kahusayan nakilala si ka Joel sa buong rehiyon bilang tunay na lider ng sektor transportasyon at kasama ang iba pa pinangunahan nila ang mga ilinunsad na welga ng tranportasyon  sa nagdaang dalawang dekada sa rehiyon at nahalal din bilang kasapi ng Pambansang Komiteng Tagapagpaganap ng PISTON.  Halos ito na ang naging gawain niya hanggang siya’y magkapamilya. May mga naging kahinaan din sa ka Joel pero hinarap at iwinasto niya ang mga ito.  Tinahak niya ang wastong landas bilang isang rebolusyunaryo at tunay na proletaryado.

Ang pagpanaw ni ka Joel ay hindi nangangahulugan ng pagkawala niya at ng mga mabubuting mithiin niya para sa sambayanan.  Kailan man ang mga alaala niya ay hindi mabubura sa kasaysayan at sa isipan ng bawat manggagawa at mamamayang bikolano.  Ang paglisan ng kanyang katawan  ay magsisilbing tanglaw sa bawat rebolusyunaryo  upang ipagpatuloy ang mga gawain para sa tunay na kalayaan, katarungan at demokrasya ng ating bayan.


MABUHAY ANG URING MANGGAGAWA!
KASAMANG JOEL, MARTIR AT BAYANING TSUPER!
ISULONG ANG DEMOKRATIKONG REBLUSYON NG BAYAN!


Ka VLADIMIR  de CASTRO
Tagapagsalita 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento