National
Democratic
Front of the
Philippines
Bicol Region
PULANG PARANGAL KAY KASAMANG JOEL
ASCUTIA
Ipinapaabot ng
National Democratic Front - Bicol ang taas-kamaong pagpupugay kay Kasamang Joel
Ascutia - rebolusyonaryong lider-masa, kaibigan at kasama ng mga drayber,
manggagawa, magsasaka, mamamahayag at karaniwang mamamayan; isang mabait at
responsableng ama at asawa sa kanyang pamilya; at magiting na pulang
mandirigma.
Bakit
naging pulang mandirigma ng sambayanan si Joel Ascutia?
ANG
BULOK NA SISTEMA NG LIPUNAN AT ANG KAAPIHAN NG ORDINARYONG MANGGAGAWA AT
MAGSASAKA ANG NAGMULAT KAY JOEL AT NAGHUBOG NG KANYANG PANININDIGAN. Ang walang tigil na pagtaas ng
presyo ng mga produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin, mababa at
kakarampot na kita ng mga drayber, matinding kahirapan ng pamilya, at iba pang
mga isyu sa lipunan - ito ang kinagisnang kalagayan ni Joel na humubog sa
kanyang pagkatao at paninindigan. Matalas na nagagap ni Joel ang mga ugat ng
kalagayang ito, naunawaan niya ang maigting na tunggalian sa lipunan at ang
pangangailangan ng pagbabago upang maiahon sa abang kalagayan ang mga inaapi't
pinagsasamantalahan.
ANG
MATINDING HANGARING LUMAHOK SA PAGBABAGO NG LIPUNAN ANG NAGTULAK KAY JOEL NA
KUMILOS AT LUMABAN.
Mula sa pagiging karaniwang drayber ay naging organisador siya ng mga drayber,
naging propagandista't edukador, naging mobilisador. Nang maging tagapangulo ng
CONDOR-PISTON sa rehiyong Bikol, pinamunuan niya ang masigla at militanteng
anti-imperyalista at anti-pasistang mga pakikibaka. Ilan sa mga isyung kanilang
nilabanan ay ang imperyalistang "globalisasyon", ang pagpapahirap ng
mga dayuhang kumpanya sa langis, ang pandarambong at pagwasak ng kalikasan
dahil sa dayuhang pagmimina, at armadong interbensyon ng imperyalistang tropa
ng US sa anyo ng Balikatan Exercise.
ANG
PASISTANG PANDARAHAS AT PAMAMASLANG NG MERSENARYONG AFP AT PNP ANG NAGREKRUT
KAY JOEL SA BAGONG HUKBONG BAYAN.
Hindi siya kayang patigilin ng panghaharas ng reaksyunaryong estado. Hindi siya
kayang paatrasin ng panggigipit at pananakot. Kaya't tinangka siyang
patahimikin ng death squad ng 9th Infantry Division sa pamamagitan ng bigong
pagpaslang noong Hulyo 2009. Ngunit hindi pa rin natinag ang kanyang
paninindigan. Sumapi siya sa Bagong Hukbong Bayan at niyakap ang armadong
pakikibaka. Bilang si Ka Pepe sa BHB, lubos at buung-buo niyang tinangan ang
pinakamataas na antas ng paglaban para sa pambansang kalayaan at demokrasya.
ANG
PUNGLO NG BERDUGONG 31st IB-PA ANG NAGBUWAL KAY JOEL, NGUNIT NAGTANGHAL NAMAN
SA KANYA BILANG MARTIR AT BAYANI NG SAMBAYANANG PILIPINO. Nagtagumpay ba ang pasistang kaaway
na igupo si Joel? Hindi kailanman naigupo ng kaaway ang paninindigan ni Joel
para sa interes ng mga inaapi't pinagsasamantalahan. Buhay na buhay na
dumadaloy sa diwa ng masang anakpawis na pinaglingkuran ni Joel, at sa lahat ng
kanyang kaibigan at mga kasama ang kanyang ala-ala at kontribusyon sa
pakikibaka.
Marami pang
magbabangon at magpapatuloy sa landas na tinahak ni Joel Ascutia mula sa hanay
ng mga karaniwang drayber at manggagawa, mga kababaihan, mga kabataan at
estudyante, petiburgesya at maliit-na-propesyunal, at maralita-sa-kalunsuran,
at mula sa malawak na hanay ng masang magsasaka sa kanayunan.
DAPAT
NATING PARANGALAN SI KASAMANG JOEL ASCUTIA!
DAPAT
NATING GAWING INSPIRASYON ANG KANYANG KABAYANIHAN AT MAGSILBING DAGDAG NA LAKAS
SA ATING PAGKILOS AT PAKIKIBAKA!
Hindi madadaig ng
kaaway ang pinakamarangal na mithiin ng bawat rebolusyonaryong Pilipino: na
maging malaya sa pang-aapi at pagsasamantala ng dayuhan; maging malaya sa
pambubusabos ng mga ganid at sakim sa lipunan; magkaroon ng demokrasya at
karangalan ang bawat api; at magkaroon ng masaganang bukas.
Dapat tularan ang
di-makasariling pag-aalay ng lakas, talino, at buhay ni Joel Ascutia para sa
sambayanan. Kailangang paigtingin ang mga kilos-protesta at pakikibakang masa
ng mga drayber at masang anakpawis sa kalunsuran. Higit sa lahat, ang
pinakamataas na pagpaparangal kay Kasamang Joel Ascutia ay ang pagpupunyagi sa
rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan.
Taos-puso at taimtim
na pakikiramay sa inyong lahat.
Ka
Greg Bañares
NDFP-Bicol
Mayo 13, 2012
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento