Biyernes, Mayo 11, 2012

Parangal Kay Joel “Ka Pepe” Ascutia ng Celso Minguez Command

BAGONG HUKBONG BAYAN
Celso Minguez Command 
Sorsogon 

Pahayag sa Media
10 Mayo 2012


Nagpupugay ang Celso Minguez Command – Bagong Hukbong Bayan sa dakilang pag-aalay ng
buhay ni Joel "Ka Pepe" Ascutia para sa paglilingkod sa sambayanan.

Bagamat ilang buwan lamang sumampa bilang mandirigma ng BHB si Ka Pepe, buong tatag niyang
niyakap ang mga kahirapan at sakripisyo sa pakikibaka. Sa kanyang pasyang sumampa sa BHB,
ipinakita ni Ka Pepe ang pagpapahalaga sa armadong pakikibaka bilang pinakamataas na anyo ng
pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Napakalaking inspirasyon ang pagyakap ni Ka Pepe sa armadong pakikibaka para sa lahat ng mga
aktibista at masa upang walang takot at wastong harapin ang tumitinding pasismo ng
reaksyunaryong estado. Gagap din niya na tanging sa pagsusulong ng armadong pakikibaka
malulutas ang napakalubhang krisis sa ekonomya, at ganap na lalaya ang mamamayang Pilipino sa
pang-aapi at pagsasamantala.

Sa ilang dekadang pagiging lider-organisador ng ligal na makabayang organisasyon ng sektor ng
transportasyon, buong sigasig na isinulong ni Kasamang Joel ang mga panawagan para sa kagalingan ng
mga karaniwang tsuper, transport operators at maralitang mamamayan. Isa siya sa mga nanguna sa pakikiisa at pagsuporta sa iba't ibang pangmasang pagkilos sa rehiyon ng Bikol para isulong ang
demokratikong karapatan at interes ng mamamayan.

Sa pagiging mahusay na militanteng lider sa sektor ng transportasyon, naging target si Ka Joel ng
mga 'death squad' ng AFP-PNP noong Hulyo 13, 2009 sa ilalim ng Oplan Bantay Laya 2 ng
Rehimeng Arroyo. Matapos ang bigong-tangkang pagpatay sa kanya ng 'death squad' , buong
tapang at walang pagdadalawang-isip na nagpatuloy siya sa pagkilos sa ligal na demokratikong
kilusan.

Sa mga sumunod na taon, nakaranas pa siya ng mga pananakot, panggigipit at mga pagbabanta
mula sa mga intel operatives ng 9th ID. Ginipit siya ng estado upang siya'y mapatahimik at
mapatigil sa paglaban. Nalagay sa panganib ang buhay niya at ng kanyang pamilya.

Batid ang pamalagiang banta sa kanyang kaligtasan,nagtungo siya sa kanayunan at nakipamuhay sa masang magsasaka sa lalawigan ng Sorsogon.Niyakap niya ang armadong pakikibaka at nagpasya siyang maging fulltime na mandirigma ng BHB.Sumanib si Ka Pepe sa BHB nitong huling bahagi ng 2011.

Napangibabawan niya ang kahirapan sa mahahabang lakaran, karga ang kanyang mabigat na backpack, sa kabila ng kanyang limitasyong pisikal dulot ng pagkakaopera mula sa gun-shot wounds nang maging target siya ng death squads ng AFP-PNP.

Nang kinitil ng bulok at marahas na estado ang kalayaan niyang mamahayag at mag-organisa sa
sektor na kanyang pinanggalingan, itrinansporma ito ni Ka Pepe sa masigasig na pag-oorganisa at
pagmumulat sa masang magsasaka sa kanayunan. Tinahak niya ang landas ng armadong paglaban, bilang pangunahing porma ng pakikibaka para sa pagkakamit ng ganap na kalayaan at hustisyang panlipunan.

Sa maiksing panahon sa hukbo, lubos na nagagap ni Ka Pepe ang pangangailangan para sa armadong
pakikibaka bilang natatanging solusyon sa napakalubhang krisis ng lipunan. Buong kagalakan
niyang tinanggap ang isang ripleng M16, nang ma-isyu ito sa kanya. At biro pa niya, “at least
ngayon hindi na ako mai-EJK o madi-desaparecido ng reaksyunaryong estado”. Nais niya sanang
ipamalita sa kanyang mga kaibigan, kamag-anak at dating mga kasamahan sa ligal na
demokratikong kilusan ang pasyang pagsampa sa BHB ngunit hindi pinahintulutan ng kalagayan ng
kanyang seguridad.

Maging sa kanayunan, taglay ni Ka Pepe ang makauring pagkiling para sa mga maralita at inaapi,
makikita ito sa kanyang matiyagang pakikinig at pakikipagtalakayan sa mga maralitang magsasaka
at manggagawang bukid.

Nakilala si Ka Pepe ng masa at mga kasamang nakahalubilo niya bilang kwela at madaldal na
kakwentuhan at matiyagang magpaliwanag sa mga isyung panlipunan. Ayon kay Ka Pepe, ang
mahahabang pakikipagtalakayang-buhay sa masa at mga kasama ay paraan niya rin upang
pangibabawan ang pangungulila sa kanyang pamilya at sa kanyang dating gawain.

Ang pagpanaw ni Ka Pepe nitong umaga ng Mayo 8 ay ikinalungkot ng mga kasama sa BHB, ng
malawak na masang magsasaka at ng libu-libong drayber-obrerong kanyang minulat at inorganisa,
at pati ng ilang kagawad ng midya na nakasubaybay sa kanyang buhay at pakikibaka.

Taas-Kamaong Pagpupugay sa mga Bayani ng Sambayanan! Kailanma'y hindi malilimutan ang
kanilang pag-aalay ng lakas at talino para sa paglilingkod sa sambayanan.



Samuel Guerrero
Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento