Biyernes, Mayo 11, 2012

Pahayag at Pagpupugay ng PISTON kay Joel Ascutia


Pahayag at Pagpupugay ng PISTON kay Joel Ascutia
dating Pangulo ng CONDOR-PISTON-Bicol at
mandirigma ng NPA-Sorsogon

Si  Kasamang Joel Ascutia o “JA”, ay isa sa pinakamasipag at pinaka-prinsipyadong naging lider ng PISTON sa Bicol at sa buong bansa. Pinangunahan niya ang mga pakikibaka ng mga tsuper at mamamayan ng Bicol, at isinanib ito sa mga pambansang pagkilos at welga ng mga tsuper at mamamayan lalo na ang laban sa overpricing sa langis, Oil Deregulation Law at VAT sa langis.
Napakalaking inambag ni Ka Joel sa pagpapalakas ng CONDOR-PISTON sa Bicol at sa pagpapalakas ng PISTON at ng pakikibaka ng mga tsuper at maliliit na operators sa buong bansa.
Si Ka Joel bukod sa pagiging masipag at prinsipyado ay masayang kasama dahil sa kanyang pagiging pala-kwento at palabiro na siyang dahilan kaya lagi siyang kinagigiliwan ng mga tsuper at mamamayan na kanyang nakakahalubilo.  Ang kanyang paggagap sa mga problema ng mga tsuper at mamamayan sa Bicol at ang kanyang simple pero klarong  pagpapaliwanag dito at pag-uugnay niya sa pambansa-demokratikong pakikibaka ng sambayanang Pilipino ay naging daan  upang umani siya ng respeto mula sa iba’t-ibang organisasyon ng mga driver at operator sa Bicol, gayundin sa iba pang sektor at personahe sa Bicol.
Dahil sa kanyang pagiging epektibong lider ng mga tsuper at mamamayan sa Bicol, siya ay pinagtangkaang paslangin ng mga military death squads sa Daraga, Albay sa kasagsagan ng nationwide transport strike at people’s protests noong July 13, 2009. Sa kabutihang-palad ay hindi naging malubha ang tama kay Ka Joel at dahil dito ay nabigo ang maitim na balak ng military death squad ng nagdaang rehimeng US-Arroyo na paslangin at patahimikin si Ka Joel.
Matapos ang paggaling ng kanyang sugat ay muling bumalik si Ka Joel sa kanyang gawain bilang Pangulo ng CONDOR-PISTON-BIKOL at bilang National Deputy Secretary General ng PISTON.
Subalit di nagtagal ay nagpatuloy muli ang mga death threats kay Ka Joel. Ito ang isa sa mabigat na dahilan sa kanyang pagdesisyon na magbitiw bilang Pangulo ng CONDOR-PISTON-Bikol at bilang National Deputy Secretary General ng PISTON noong 2011.
Subalit sa halip na matakot at umatras, ay ipinakita ni Ka Joel ang kanyang wagas na hangarin na ipagpatuloy ang kanyang paglilingkod sa sambayanan sa pamamagitan ng pagtungo sa kanayunan at lumahok sa mas mataas na landas ng pakikibaka at sakripisyo bilang mandirigma ng NPA sa Sorsogon. Siya ay kabilang sa tatlong NPA sa Sorsogon na napaslang sa encounter ng 31st IB ng Philippine Army sa Donsol, Sorsogon noong Mayo 8.
Nirerespeto ng PISTON at humahanga ito kay Ka Joel sa naging dedikasyon at tapang nito na paglingkuran ang sambayanan sa pamamagitan ng pagtungo sa kanayunan upang ipagpatuloy ang kanyang paglilingkod sa sambayanan batay sa kanyang sariling pagpapasya.
Mga katangian ni Ka Joel bilang mahusay na lider at organisador ng mga tsuper at mamamayan.
Ang kanyang pagiging  prinsipyado, matatag, pala-kwento,  masayahin at lalo na ang kanyang pagiging maalalahaning kaibigan at kasama ay hinding-hindi namin malilimutan. Siya ay magsisilbing institusyon at inspirasyon sa mga tsuper, maliliit na operators at mamamayan sa Bicol at sa buong bansa upang maging matatag gaya ni Ka Joel upang buong tatag at giting na ipaglaban ang pambansang kalayaan, demokrasya at hustisyang panlipunan dito sa ating bayan.
Si Ka Joel ay magsisilbing bayani ng mga tsuper at mamamayan. Siya ay Dakilang Transport Leader, Aktibista, Kaibigan, Kasama at Proletaryong Rebolusyonaryong walang pag-iimbot na naglingkod sa mga drivers at mamamayan.
Pagpupugay sa’yo Ka Joel Ascutia!

George San Mateo
National President
Pagkakaisangmga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento